Search
  • The Pasig Review

Sotto naglunsad ng pautang para sa mga negosyo; Pasig LGU aalalay sa maliit na negosyo

Pauline Reinne B. Alcaria, Staff Writer


Inilunsad ang Tulong at Pampuhunang Ayuda sa Taga-Pasig (TAPAT) Loan Program ng pamahalaan ng Lungsod ng Pasig nito lamang ika-10 ng Hulyo bilang hakbang tungo sa muling pagbangon ng mga Pasigueño at ekonomiya dulot ng pandemya ng COVID-19.


Nabanggit ang naturang programa sa nakaraang State of the City Address (SOCA) na ginanap noong Araw ng Pasig, ika-2 ng Hulyo, “Ito ay programa para sa ating mga kapwa Pasigueño na makabalik sa trabaho. Loan po na limang libo para sa mga naghahanap ng trabaho, gagastos sa pamasahe at kailangan ng requirements,” sambit ni Vico Sotto, alkalde ng Lungsod ng Pasig.

Sa panayam kay Sotto sinabi niyang ang proseso ng mga aplikasyon ay nasa ‘first-come, first served’ basis at ang proramang ito at mayroong target na 20,000 hanggang 40,000 na benepisyaryo mula sa P200 milyong na pondo ng loan program.


“Kailangan walang trabaho at wala pang business sa kasalukuyan. Una nating dapat tulungan ang mga natanggal sa trabaho o no work, no pay simula ECQ,” sabi ni Sotto mula sa kanyang Twitter post.


Isa sa mga pangangailangan sa pautang na ito ay ang pruweba na ang trabaho o negosyo ng isang indibdwal ay naapektuhan mula ng ipinairal ang Enhanced Community Quarantine (ECQ).

"Basta Pasigueno, 18 years old pataas at walang trabaho sa kasalukuyan," ani ni Sotto.


Ang programang ito ay mayroong tatlong uri ng loan program o pautang na walang kaukulang interes—Balik Negosyo, Bagong Negosyo at Balik Trabaho.

"Sa unang taon ng loan walang babayaran, zero, sa pangalawang taon ng loan, by installment pero zero-percent interest pa rin. Magkakaroon pa lang ng interest on the third year," wika ni Sotto.

Ang ‘Balik Negosyo’ ay para sa mga Micro Small Medium Enterprises (MSMEs) na nagnanais bumalik at gawing compliant ang kanilang mga negosyo sa mga health measures para sa “new normal” laban sa COVID-19. Sa ilalim ng programa ay maaaring makahiram hanggang 10,000 piso.

Sa ilalim ng ‘Bagong Negosyo’ maaaring makahiram hanggang 10,000 piso para sa mga manggagawang nawalan ng trabaho at nagnanais na magtayo na lamang ng kanilang sariling pangkabuhayan sa kanila mismong mga tahanan.


Ang ‘Balik Trabaho’ naman ay para sa mga manggagawang nagnanais na magbalik trabaho at nangangailangan ng kaukulang perang-pampinansyal sa pag-aasikaso ng aplikasyon, pamasahe tungo sa job interviews at iba pang pangangailangan.


Para makapag-apply online, pumunta sa website na pasig.accessleap.com. Maaari ding bisitahin ang TAPAT Admin Desk na matatagpuan sa Career Center, GAD Complex ng Pasig City Hall na bukas mula 9:00 am hanggang 4:00 pm, Lunes hanggang Biyernes.


“Pero hanggat kaya, sa online na tayo mag-apply, para mas ligtas tayo sa virus,” wika ni Mayor Sotto.

117 views0 comments

Recent Posts

See All