Search
  • The Pasig Review

Pasig handa na para sa balik-eskwela

Updated: Sep 3, 2020

Vladimir Medina

Sa Oktubre 5 pa man opisyal na magsisimula pasukan para sa mga mag-aaral sa buong bansa ay siniguro na ng alkalde ng Lungsod ng Pasig na si Vico Sotto na walang maiiwang mag-aaral sa Pasig kahit pa mayroon pa ring pandemya at wala pa ring bakunang nailalabas.

Batid ni Sotto ang peligrong dala ng COVID-19 kung kayat minarapat niyang pamunuan ang paninigurong bawat mag-aaral sa kanyang lungsod na nasasakupan ay para sa malayuang pagtuturo at maayos na koneksyonpara makasali sa mga diskusyon at mga aktibidad gamit ang kinakailangang mga aparato.

Nauna nang naianunsyo ng Kagawaran ng Edukasyon na sa Agosto 24 ang simula ng mga klase ngunit ito ay tinutulan ni Pangulong Rodrigo Duterte kung kaya naman ay minarapat ni Leonor Briones, ang kalihim ng kagawaran, na iatras na lamang ito upang lalo pang makapaghanda ang mga guro at iba’t ibang sektor na apektado ng darating na pasukan.

Upang masigurong magiging ligtas ang lahat kahit pa wala pang tiyak na lunas laban sa kumakalat na sakit, sinisiguro ng pamahalaang lungsod na ang iba’t ibang modalidad ng pagtuturo ayon na rin sa ipinahiwatig ng Kagawaran ng Edukasyon ay susundin ng lahat at ang pinaghalong mga sistema ng pag-aaral ay magiging epektibo pa rin bagaman ito ay gagawin sa kanya-kanyang tirahan gamit ang mga ipinamahaging aparato.

Bukod sa mga aparato, nilinaw sin ng Kagawaran ng Edukasyon na maaaring maglabas ng mga sulatin at mga modyul ang mga paaralan upang ang mga walang kakayahang kumonekta sa internet ay makasabay sa lahat ng aralin.

Dahil sa masinop na paghahanda, hinikayat ni Sotto ang lahat ng mag-aaral na magpatala para sa darating na pasukan sapagkat ginawa na lahat ng pamahalaang lokal ang mga kinakailangan hakbang upang walang mag-aaral na maiwanan.

Ayon sa Facebook Live ng Pasig City Public Information Office ng isa sa mga Public Biddings ay naglaan ang lungsod ng mahigit 1.2 bilyong piso para sa mga tablets at kompyuter na gagamitin ng mga mag-aaral.

Ayon sa Department of Education, sa buong Pilipinas ay may 23.11 milyon na ang nakapagpatala para sa pagbabalik sa mga paaralan o 83% ng 27 milyong mag-aaral mula sa nakaraang taon sa parehong pribado at pampublikong paaralan.

Sa 23.11 milyong mag-aral ay 21.5 milyon ay nasa pampblikong paaralan at ang 1.56 milyon ay ang nasa pang pribado. Marami ang mga lumipat sa mga pampublikong mga paaralan. Para matugunan ang problema ay nagkaroon ng ng mga pag-uusap ang local na pamahalaan kasama ang mga myembro ng Pasig City Association of Private School Administrators (PAPRISA) at ang mga paaralang pamparokya ayon sa Facebook post ni Sotto. Ayon sa alkalde, alam niyang nahihirapan din ang mga pribadong paaralan at ang ilan ay nanganganib na magsara. Nalagay din ang mga pampublikong paaralan sa panganib ng pagkakaroon ng sobrang daming mag-aaral bawat klase na magiging dahilan kung bakit pahirapan ang pagtuturo ng mga guro. Ayon din kay Mayor Sotto sa kaniyang facebook page post, sa ni Roman Romulo, ang kinatawan ng Pasig sa Mababang Kapulungan ng Kongreso bilang pinuno ng komite para sa Pangunahing Edukasyon at Kultura, at ni Christian Caruncho Bernardo, ang bise alkalde ng Pasig, at buong sangguniang panlungsod ay nagawa nilang ipasa ang mga mahahalagang ordinansang mag-aalis ng mga dagdag bayad sa paaralan hanggang hindi bumabalik sa dati ang sistema ng pagtuturo at ang pagdagdag ng 3,000 iskolar mula sa mga mahihirap na nasa pribadong paaralan sa tulong na rin ng mga apektadong institusyon.

Bilang ganti, ang tanging hiling ng Alkalde ng Lungsod ng Pasig sa bawat mag-aaral ay masigasig na pumasok at pagbutihin ang pag-aaral ng bawat isa.

61 views0 comments