Search
  • The Pasig Review

Pantries, Kamatayan, at COVID-19: isang panawagan ng pananagutan

Joel Zaporteza


Kamakailan lamang, samut’saring reaksyon ang natamo ng isang Community Pantry na inorganisa ng isang artista bunsod sa di inaasahang pagkamatay ng isa sa mga nakapila roon. Maganda ang hangarin ngunit nagkaroon ng hindi inaasahang pangyayari (naalala ko tuloy ang Murphy’s Law).


Ilang taon ang nakararaan ganitong pangyayari rin ang tumapos sa di pa isang programa noon – Ultra Stampede; isang pangyayaring nais din makapagbigay ngunit nauwi sa trahedyang kumitil sa mga buhay at nagdulot ng pinsala sa ilang mga manonood.


Sa kabila ng mga bantang ganito, kumakapit ang bawat Pilipino sa anumang pagkakataong maaaring makpagbigay ng tulong sa kanya upang mairaos ang isang maghapon kahit hindi malinaw kung paano maitatawid ang bukas kapag nagkataon.


May mga sector na rin na naghalintulad sa mga pantries na ito sa isang pangyayari sa Bibliya – ang pagpaparami ng tinapay at isda na nakapagpakain sa higit 5000 katao noong mga panahong iyon. Tunay naman na may lakas ang pagkakaisa.


Naaalala ko noon, sinasabi pa sa balita ang mga katagang “new normal”. Sa totoo lamang, nalulungkot ako mula noon hanggang ngayon dahil sa salitang ito. Hindi ko matanggap na ang bagong normal ay ganito. Ayaw kong tanggapin na magkakaganito ang lahat. Matapos ang isang taon, mukhang mas lumalala pa ang mga nangyayari. Naghihingalong ekonomiya. Nangangambang mga mamamayan. Nagsasarang mga Negosyo. Nangagmamatay na mga tao. Masakit isipin na ang bawat bilang ng mga nagpositibo, kasong aktibo, at namamatay ay hindi lang datos na naguulat ng istadistika sa araw na iyon. Sabi nga sa ilang post na nabasa ko noon, ang bawat bilang ito ay buhay (life) – buhay (living) man o hindi. Ang bawat bilang na ito ay maaaring kakilala mo, kapitbahay mo, kamag-anak mo, o ikaw mismo. Isang taon na mula noong nagdeklara ng State of Public Health Emergency na naglagay sa buong bansa sa ibat-ibang uri ng ‘quarantine’. Tumatakbo na ito nang higit isang taon. Umiiyak na ang ating mga ospital sa dami ng mga kasong dapat nilang pagtuunan ng pansin. Marami na ring buhay ang hindi na naisalba dahil dito.


Maatapos ang higit sa isang taon, naririto pa rin tayo. Tila hindi alam kung ano ang tinatahak na direksyon. Hindi alam, kung kanino pa nga ba aayon. At sa kabikabilaang hindi pagsapat ng mga tulong mula sa Nasyonal at lokal na pamahalaan, mga indibidwal na ang siyang nagsimula ng inisyatibo upang makatulong sa kapwa tao. Para bagang “vicious cycle” ang lahat ngunit lumalaki lamang ang saklaw ng pagikot.


Maganda ang layon ng mga community pantries ngunit larawan ito ng mas malalim pang suliranin ukol sa pagtugon sa isang krisis-pangkalusugan. Larawan ito ng mga sektor – panlipunan na pumapalya at patuloy na lumulubog kung kaya indibidwal at hindi pangkatan ang nangyaring pagtugon. Larawan ito ng kawalang pananagutan ng samo’t saring sector – panlipunan ukol sa isang solusyong konkreto, makatotohanan, at pangmatagalan. Pagod na ang tao. Nawawalan na ng pakiramdam sa mga nangyayari. May mga kalyo na sa damdamin dahil sa mga buhay na nawala, Ultra stampede, community pantry, at ang COVID-19 pandemic – ilang ganito pa ba upang magkaroon tayo ng pananagutan mula sa pinakamataas, hanggang sa pinakapayak na Pilipino?

84 views0 comments

Recent Posts

See All