Search
  • The Pasig Review

Lulan ng Dalampasigan: Pagbibigay ng pag-asa ni Vico sa panahon ng pandemya

Anton Lean Medina, Staff Writer



Sa malawak na espasyo ng Tanghalang Pasigueno, mahigit kumulang isang-daang katao ang dumalo kung saan karamiha’y mga kawani ng gobyerno at mga inihalal na opisyal at konseho ng mga baranggay,upang gunitain ang ika-447 na taon ng pagkakatatag ng bayan ng Pasig at kasabay na rin nito ang ‘State of the City Address’ ni Mayor Vico. Tila bagong konsepto ang SOCA na bukas sa publiko at dulot ng biyaya ng makabagong teknolohiya, napanoood ito 'online via livestreaming' na isang malaking pagbabago sanoo’y tila pribadong okasyon na SOCA ng dating administrasyon na iilan lamang ang nakadadalo.


Siguro’y hudyat na rin ito ng bagong pamamalakad na bukas at tapat sa publiko, at maaring simula na rin ng hangaring buhayin ang aktibong pakikilahok ng taumbayan sa pag-go-gobyerno.



Ang ‘Grand Narrative’


Nagsimula ang punong alkalde sa kaniyang talumpati gamit ang karaniwang wika na madaling mauunawaan ng kahit na sino mang nanonood. Nagbaliktanaw siya noong kaniyang pagkahalal at mariing iginiit ang naratibo na ang laban na ito ay hindi laban ng indibidwal na personalidad o pulitiko, kundi ito’y laban para itaguyod ang prinsipyo para basagin ang lumang kalakaran; ito’y laban ng taumbayan. Marahil ito ang masasabing ‘Grand Narrative’ ng administrasyon, na bigyan ng importansya ang paglaban para sa mga prinsipyong nagtulak ng pagkilos na ito, ang prinsipyo ng bukas at tapat na pag-go-gobyerno, at may pananagutan.



Mga Haligi ng Pagbabago


Patuloy na iginiit ng alkalde ang naratibong ito nang ibinahagi niya ang estado ng mga programang kanilang nasimulan. Mula sa Universal Healthcare hanggang sa programa para sa mga Civil Society Organizations (CSO) at Non-government Organizations (NGO), kaniyang idiniin na hindi magiging posible ang mga nakamit, at balak pang makamit, kundi dahil sa tulong ng lahat ng nakikiisa sa mga programang ito, alinsunod sa naratibong hindi ito tungkol sa kaniya, sa indibidwal o kung sino mang pulitiko, bagkus ito’y tungkol sa mga prinsipyo ng pag-go-gobyerno na pinaglalaban, at kasama ang taumbayan sa laban na ito.


Isa sa mga una niyang ibinahaging programa ay ang implementasyon ng Universal Healthcare, na siyang naging isa sa mga unang haligi ng kampanya niya noong panahon ng halalan. Ang programang ito ay naka- sentro sa pagbabago ng pamamalakad ng mga ospital at pasilidad na pangkalusugan, mula sa pagiging ‘Income Generating’ ay ang layuning gawin ang mga itong ‘Service Providing’ upang matugunan ang mag pangunahing pangangailangan ng bawa’t mamamayan at hindi puro paniningil lamang.


Klaro niya ring naitawid ang mensahe ukol sa programang ito dahil sa pamilyar na naratibong ito na nakatulong upang madaling maitawid ang layunin ng gobyerno ukol sa programang pangkalusugan.


Ganito rin ang naratibong kaniyang itinampok nang ibahagi ang programa para sa pabahay, na ayon sa alkalde ay hindi magiging posible kundi dahil sa koordinasyon at pakikipagtulungan ng mag eksperto at mga ahensya bng lokal at nasyunal na pamahalaan upang magawan ng kongkretong plano ang makataong relokasyon.


Tumatak din ang mga video ng mga empleyado ng lungsod na na-permanente na sa kani-kanilang mga posisyon. Tampok dito ang kuwento ni Tatay Roberto, isang empleyadong apat na pu’t tatlong taon nang kontraktwal, ay kamakailan lamang napermanente sa posisyon. Isa lamang si Tatay Roberto sa 346 na kontraktwal employees na naging permanente nitong nakaraang taon. Ipinaliwanag ng alkalde na paraan ito upang maalis ang pulitika sa pag-eempleyo sa lungsod na naging talamak noong marami pang pusisyon na ang estado ng pag-eempleyo ay nakabase sa kung sino ang nakaupo. Ito’y mahalagang

hakbang upang tuluyan nang ma-’professionalize’ ang mga posisyonng teknikal sa lungsod at nang mapabuti at serbisyong inihahatid sa mamamayan.


Hindi rin makukumpleto ang talumpati kung hindi tinalakay ang kasalukuyang pandemya. Dito, ibinahagi ng alkalde ang mga pagsubok sa gitna ng krisis pangkalusugan at pang ekonomiyang dulot ng COVID-19 at kung paano tinutugunan ito ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan. Tulad ng kaniyang presentasyon sa ibang programa, alinsunod pa rin itong pagtugon sa krisis sa naratibong ‘hindi ito trabaho lang ng iilan, ito’y hindi magiging posible kung hindi dahil sa pagtutulungan ng lahat’. 


Katuwang ng pangkalusugang pagtugon, ibinahagi rin ng alkalde ang TAPAT, isang programang naglalayong magbigay ng pautang na walang interes sa mag nagnanais maghanap ng trabaho o magtayo negosyo. Isa itong mahalagang hakbang na tutugon bilang pang-matgalang solusyon upang makabangon muli mula sa krisis ng mga manggagawa at maliliit na negosyong pinaka-naapektuhan ng pandemya.


Ang ‘Espada ni Damocles’


Isa sa mga bantog na kuwentong mula sa panahon ng mga griyego ay ang tungkol kay Damocles, na isang prominenteng tagapayo noon sa haring si Dionysius. Sa kuwentong ito, binola-bola ni Damocles ang hari na napakasuwerte at pinagpala raw nito dahil sa kaniyang kapangyarihan, kayamanan at kadakilaan. Bilang tugon, inalok ng hari na maupo sa kaniyang trono ang tagapayo ng isang araw, na agaran namang tinanggap ng tagapayo.


Ngunit kapalit nito’y habang nakaupo ang tagapayo sa trono ng hari, may espadang nakasabit habang nakatali sa manipis na sinulid at nakabitin sa taas ng bumbunan ng

tagapayo. Kahit nasa kaniya na ang trono, ang kapangyarihan at ang kayamanan, nagmakaawa ang tagapayo na umalis na sa trono dahil sa takot na dulot ng espadang nakabiting kaunting galaw lang ng hangi’y ikalalagot ng kaniyang hininga.


Ganito ang pakiramdam ng mga tiwaling kawani ng gobyerno noong binitawan ng alkalde sa kaniyang pang-wakas na babala sa mga patuloy pa ring nakakapit sa lumang pamamalakad. Ibinitin ng alkalde ang ‘Espada ni Damocles’ sa itaas ng bumbunan ng mga ito noong nag-iwan siya ng babala na kung hindi sila makiisa sa pagbabago at nasa gobyerno lang para magpakasasa sa pera’t kapangyarihan, ang kinakalaban nila ay isang henerasyong sawang-sawa na sa mga pamamalakad nila na puro lagayan, palakasan at korapsyon. 


Ang taumbayan ang magsisilbing ‘Espada ni Damocles’ sa mga taong nagpapakasasa sa kapangyarihan, at habang may aktibiong pakikilahok ang mamayan, at mas nabubuhay ang demokrasya sa lungsod, magsisilabasan ang mga bahag na buntot ng mga ‘Damocles’ na matagal nang umaabuso sa tiwalang ipinagkaloob ng mamamayan.


Kung patuloy na maisusulong ang naratibong ito, tunay ngang aagos ang pag-asa sa lungsod.

87 views0 comments