Search
  • The Pasig Review

Kung paano naging ATOM ang ATOM

Pia Raymundo-de Leon


Maaga pa lang ng Agosto 21, umalis na ang aking Tatay upang makipagtipon sa mga kaalyado sa oposisyon dahil sasalubungin nila ang isa sa pinakamatapang, at malinaw na boses ng oposisyon na siyang inaasahang mamumuno sa paglaban sa diktadura ni Marcos –Babalik na si Ninoy Aquino.


Noong araw na binaril si Ninoy at namatay, ang taumbayan naman ang nabuhay. Nabuhayan ang mga taong katulad ni Mario Raymundo, na may malalim na pagmamahal at pagmamalasakit sa bayang Pilipinas, lalong lalo na ang kanilang matinding pagnanasa para sa kalayaan ng sambayanan. Ito rin ang pumukaw sa aking isipan at kalooban ukol sa katotohanan ng mapang-aping diktadura at batas-militar.


Noong Agosto 21, isang kilusan ang bumangon at sumugod, at isa ako, sa nakiisa sa laban ng aking ama at ng oposisyon sa pamamagitan ng ATOM o August Twenty One Movement. Isa si Mario sa nagtatag ng ATOM, at siya rin ang nakaisip ng pangalan ng kilusan. Ang ATOM ay itinatag at pinangunahan ng mga negosyante at mga propesyonal na nagnais ding makibahagi sa protesta laban sa diktadura.


Si Mario Raymundo ay isang taong may likas na kakayahan sa pag-oorganisa. Mula sa mga nasaksihan kong proyekto niya sa Pasig, tulad ng mga liga ng “basketbol”, pagbubuo ng Sing-out Pasig, pagbabantay ng kabataan sa balota at marami pang iba, nakita ko sa aking ama ang payak na hangarin na mahubog ang kabataan, matulungan ang bayan at maisulong ang katarungan.


Ibinigay ni Mario ang kanyang buong lakas, oras at pati na rin yaman sa kanyang pakikibaka kasama ng ATOM at iba pang miyembro ng oposisyon. Lingid sa kaalaman ng marami, ang pakikibaka ng aking tatay ay hindi nagsimula nang mamatay si Ninoy noong 1983.


Tinanggap nya ang hamon na maging kandidato ng oposisyon para sa pagka-alkalde ng Pasig noong 1980 kahit alam nyang mas lamang ang matalo sya. Ito ay dahil sa may nakita syang mas matayog na layunin. Naging madugo at sukdulan ng dumi ang halalan na iyon. Natalo sya subalit simula noon, nakapagtatag ng pangalan ang oposisyon, lalong- lalo na na ang mga pangalang, Salonga, Sanchez at Saguisag, na mga kapwa Pasigueno.


Si Mario ay naging sugo rin upang makiugnay sa mga lumalaban na liderato ng oposiyon na na napilitang umalis ng Pilipinas dahil sa malubhang tangka sa buhay nila. Bilang mga anak, ang tanging alam namin ukol sa kanyang pagtungo-tungo sa Amerika ay dahil sa negosyo. Lumaon ang panahon, saka pa lamang niya naikuwento sa akin ang tunay na pakay ng kanyang pagbiyahe sa Amerika.


Dahil sa kanilang pagkakaibigan nina Butz Aquino – nakababatang kapatid ni Ninoy, higit na humigpit ang pagyakap nya sa adhikain ng oposisyon sa pamahalaan. Ang ATOM ay naging matagumpay dahil ito ang naging kilusan ng mga taong ibig lumaban ngunit sa mapayapang pag-aalsa at pag protesta. Bilang bise-presidente ng ATOM, hindi maiwasang masama siya sa mga inipit ng pamahalaan. Maging ang opisina ni Mario sa Makati ay nagsilbing tagpuan ng ATOM kung saan mga mahahalagang pagpupulong ang naganap. Dito ko naranasan ang “bomb threats”, “wiretapping” at tangka sa buhay ng aking ama. Dito ko nakita na ang tapang nga aking ama ay nagmumula sa katotohanang pinahahalagahan nya. Ito ay isang aral na tumatak sa aking pagkatao.


Maraming ginising na isipan at kalooban ang mga pangyayari ng ika 21 ng Agosto. Maraming hirap at sakripisyo ang naranasan ng tao sa kamay ng diktadura, subali’t dahil sa ATOM at sa mga nagtatag at nagtaguyod nito, kasama ang aking ama, naitawid tayo mula ng sa pagkamatay ni Ninoy hanggang sa lubusang matamo ang kalayaan noong 1986 People Power Revolution.


Bilang panganay na anak, maaga kong natanto mula sa halimbawa ng aking ama, na ang pagmamahal sa bayan ay may kalakip na mabigat na responsibilidad. May sakripisyo na kailangang ialay. Nakita ko ito sa buhay ng aking ama at siyang patuloy kong hinahangad matularan. Umabot man ako sa ibang bayan, matagal man akong nawalay sa Pilipinas, ang puso ko ay nanatiling tapat. Ito’y nag-aalab pa rin para sa bayan na handang ipaglaban. Ito ang pamana ng aking ama na pinapangako kong pangangalagaan.

Maraming nagising noong Agosto 21, 1983.


Sana’y magising na muli ang taumbayan sa katotohanan!


271 views0 comments

Recent Posts

See All