Search
  • The Pasig Review

Bakasyong grande sa panahon ng pandemya

Updated: Aug 4, 2020

From the Desk


Yung Tinatamad ka ng pumasok!?


Sa apat na buwang nakakulong sa iyong kweba, ano bang napala mo? Baka tumaba ka lang o nagpupumilit kang magpapayat sa panahon na maraming nagugutom.


Iba’t iba ang ating naging biyahe. Mayroong mga taong naging mas maunlad katulad ni Jeff Bezos na kumita pa ng bilyon bilyon sa kabila ng paghihirap at kawalan ng trabaho ng milyon milyon.


Nasaan ang hustisya?


Sa panahon ng covid ganun parin ang sistema. Ang kaibahan lang ay may pandemya at maraming namamatay. At kung akala mo na matatapos na tayo, pinapa-alala ko lang sa iyo na hindi pa tayo natatapos sa first wave at mukhang gusto pa nating tumambay dito. Nakasuot ka ba ng facemask?


Napakahirap tumambay. Kaya ngayong lockdown, nabibilib talaga ako sa mga tambay sa kanto. Mga bayani kayo mga tol! Napakahirap palang gumawa ng wala.


Nakatingin ka sa kawalan, naghihintay ng ayuda (kung kasama ka) at tila ang masaklap dito ay yung mga dating sumasaway sayo at nagsasabing magtrabaho ka ay kasama mo narin sa pagtambay at pagtingin sa kawalan. Hindi mo ito guni-guni at hindi rin ito “rare circumstances” talagang nangyayari na ito. As in! Talagang Nangyayari. Inulit ko para sa mga taong todo deny at walang pakialam.



Sa lockdown na ito, ay may magnanakaw. Hindi pulitiko ang sinasabi ko rito pero kung napag alaman mo na na 9 Trilyonng Piso na ang utang ng bansa pero walang nag abot sayo ng kahit isang delatang Spam, magtaka ka na – tamang hinala ka. Ang ninakaw sayo ay hindi pera, hindi alahas at lalong lalo na hindi yang asawa mo. Ang ninakaw sayo ay oras. Oras na hindi maibabalik at oras na hindi mo na kayang balikan. Kahit theoretically posible ang time travel sa Physics yung nasayang na mga buwan na sana ay nakapagtrabaho ka o naka-attend ng graduation ng kung sino mang kamag-anak mo ay hindi na mauulit dahil hindi naman ito nangyari. Sa makatuwid, ninakawan ka. Ninakawan ka ng gising.


Dati pag bumabagyo ang saya mo dahil baka baha, wala kang pasok. Dati hinihintay mo yung mga long weekends para makagalaw at humiga sa iyong kama. Ngayon, hindi na kita kailangan pang gisingin dahil sa totoo lang hindi ka naman narin nakakatulog ng mahimbing. Nakaka-miss pumasok. Hindi ko sukat akalain na sasabihin yang mga salita na yan. Pero ang panahon ay sadyang nagpabago sa tao at sa kaniyang mga paniniwala.


Sabi nga nila, kung ikaw ay magising, kasalanan mo ng pumikit. Pero paano yung mga taong matagal ng gising at gusto ng humimbing? Mga taong pinagsawaan na ng panahon at sa dami ng kanilang mga paghihirap ay minabuti nalang nilang magbulagbulagan – tutal naman patapos na ang kanilang mga araw. Yung mga bagong gising diyan, wag na kayong tumambay at uminom ng kape, huwag na nating sayangin ang panahon na tayo ay namulat. Tulungan natin ang mga nakapikit lalung-lalo na ang mga bulag. Pero sa mga nagbubulag-bulagan may chance pa kayo gamitin niyo ito.


Kung ikaw ay sawa ng hindi pumasok sana ay hindi ka rin sawa ng magpatuloy ng oportunidad lalo na kung ito ay pagtulong sa kapwa. Hindi mo kailangang magbigay ng pera dahil sigurado akong nangangailangan ka rin at ayaw mo naman sigurong araw-arawin ka. Ang pinakamagandang maitutulong mo ay yung pagkalat sa katotohanan – magaling ka rito dahil tsismoso ka. Itama mo ang mga maling nakikita mo dahil sa pamamagitan nito binibigyan mo ng halaga ang pagkatao mo at ang sariling bilang isang parte ng komunidad. Pilipino ka. Malaya ka. Hindi mo kailangang magkubli dahil hindi ka naman daga. Tao ka nag-iisip ka. Alam mo ang mali at ang tama. Sa buhay natin ngayon, hindi mo kailangang maging mabait dahil gagamitin ka. Ang kailangan natin ay mabuti dahil dito nananahan ang tunay na karunungan sa buhay. Hiram lang tayong lahat kaya gamitin mo ng wasto ang iyong buhay.


Wala ng panahong maging tamad. Kumilos ka NGAYON NA!

30 views0 comments

Recent Posts

See All