Search
  • The Pasig Review

ANG NAGSABADO SA PASIG AT ANG HAMON NG KASALUKUYANG PANAHON

Nestor Castro, Ph.D., Columnist


Ngayong ika-29 ng Agosto, ginugunita natin ang ika-124 na anibersaryo ng Nagsabado sa Pasig. Gayunpaman, marami sa ating mga Pasigueño, lalung-lalo na sa hanay ng mga kabataan, ang hindi nakakaalam kung ano ang pangyayaring ito. Ano nga ba ang Nagsabado sa Pasig?


Ang Nagsabado sa Pasig ay isang mahalagang pangyayari sa kasaysayan ng ating bansa. Naganap noong ika-29 ng Agosto, 1896 (isang araw ng Sabado) ang kauna-unahang tagumpay ng Katipunan sa paghihimagsik laban sa mga mananakop na Kastila. Balikan natin ang tampok na mga pangyayari noong panahong iyon.

Noong Agosto 1896, nagpatawag si Andres Bonifacio ng serye ng mga pagpupulong ng Katipunan bilang paghahanda sa napipintong himagsikan. Kabilang na rito ang pulong sa Kalookan noong ika-23 ng Agosto, sa Balintawak noong ika-26 ng Agosto, at sa Hagdang Bato sa Mandaluyong noong ika-29 ng Agosto.

Isang araw bago ang pagpupulong sa Hagdang Bato, nakituloy ang mga Katipunerong mula sa ibat-ibang balangay sa kubo ni Romualdo Vicencio sa Sitio Balakbak. Si Vicencio ang pinuno ng Balangay Kidlat ng Katipunan sa Mandaluyong. Kasama sa mga nakituloy sa kubo ni Tininting Maldo (ang palayaw ni Vicencio) sina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, at si Valentin Cruz – isang taga-San Nicolas sa Pasig na siyang pinuno ng Katipunan sa Sangguniang Bayan ng Pasig. Nang araw na iyon isinulat ni Bonifacio, gamit ang alyas na May Pagasa, ang sumusunod na proklamasyon:

“Mga namiminuno, kasapi at mga kapatid: Sa inyong lahat ipinatutungkol ang pahayag na ito. Totoong kinakailangan na sa lalong madaling panahon ay putulin natin ang walang pangalang pang-lulupig na ginagawa sa mga anak ng bayan, na ngayo’y nagtitiis ng mabibigat na parusa at pahirap sa mga bilangguan. Na sa dahilang ito’y mangyaring ipa-tanto ninyo sa lahat ng mga kapatid na sa araw ng sabado, ika-29 ng kasalukuyan, ay puputok ang panghihimagsik na pinagkasunduan natin, kaya’t kinakailangang sabaysabay na kumilos ang mga bayanbayan at sabaysabay na salakayin ang maynila. Ang sino pa mang humadlang sa banal na adhikang ito ng bayan ay ipalalagay na taksil at kalaban maliban na nga lamang kung may sakit na dinaramdam o ang katawa’y may sama at sila’y paguusigin alinsunod sa palatuntunang ating pinaiiral. – Bundok ng Kalayaan, ika-28 ng Agosto, 1896, May Pagasa.”

Noong umaga ng ika-29 ng Agosto, sinimulan na ang pulong sa Hagdang Bato. Dito binasa ni Bonifacio ang kanyang proklamasyon na sinundan ng pagpupunit ng sedula ng mga Katipunero at pagsigaw ng “Mabuhay ang Kalayaan!” Sa pulong din na ito hinirang si Valentin Cruz bilang General de Brigada ng Katipunan. Pagkatapos ng pulong ay nagsiuwi na sa kani-kanyang bayan ang mga nagsipagdalo sa pulong para isagawa na ang paghihimagsik sa mga bayang nakapalibot sa Maynila.

Pagkadating sa Pasig, pinulong agad ni Heneral Cruz ang mga Katipunero ng Pasig. Pagsapit ng dilim, ang mga Katipunero ng Bagong Ilog, Pineda, at Ugong ay tumawid sa Ilog Marikina para makarating sa Maybunga. Sumanib sila sa mga pwersa ng Katipunan na galing naman sa Caniogan, Maybunga, Rosario, at iba pang mga baryo ng Pasig. Humigit-kumulang na dalawang libong Katipunero ang kanilang natipon na ang tanging mga sandata ay karit at talibong (isang uri ng sandatang panaksak). Pinasok ng mga Katipunero ang kabayanan ng Pasig at nakipaglaban sa mga Guardia Civil. Nakuha ng mga Katipunero ang Tribunal (ang bahay pamahalaan) at ang kwartel ng mga Guardia Civil. Nasamsam din nila ang 17 baril na de-piston at tatlong Remington. Isang Katipunerong taga-Bagong Ilog ang nasawi nang mabaril ito sa Plaza de Paz (Plaza Rizal ngayon). Tumakas naman mula sa labanan ang hepe ng mga Guardia Civil na si Tinyente Manuel Sityar.

Mula noon, tinawag na ang kaganapang ito bilang Nagsabado sa Pasig dahil araw ng Sabado nangyari ang paghihimagsik ng mga taga-Pasig. Napakaimportante ang pangyayaring ito sa kasaysayan ng Pasig sa partikular at sa kasaysayan ng buong bansa sa pangkabuuan. Una sa lahat, ito at unang pag-atake ng mga Katipunero sa pwersa ng mga Kastila matapos manawagan si Andres Bonifacio ng paghihimagsik. Ikalawa, naging matagumpay ang pagkilos na ito na nagresulta nga sa pagkuha sa mga sentrong pangkapangyarihan ng mga Espanyol sa bayan ng Pasig. Mayroong ilang historyador na minamaliit ang kahalagahan ng Nagsabado dahil tatatlo lang daw ang Guardia Civil, kasama na ang kanilang Tinyente, na nakalaban ng mga Katipunero sa Pasig. Sa aking palagay, hindi sa laki o liit ng bilang ng kaaway nasusukat ang importansya ng Nagsabado. Ayon sa mismong salaysay ni Heneral Cruz, halos lahat ng pamilya sa Pasig ay may kinatawan sa 2,000 mamamayan na kalahok sa Nagsabado. Kung gayon, hindi lamang ito isang operasyong militar ng iilang mandirigmang Katipunero kundi isang pag-aalsa ng taumbayan. Kung gayon, nananalaytay sa mga Pasigueño ang dugo ng kanilang mga ninunong bayani.

Narito ang katanungang lumalaro sa aking isipan: Bakit kinikilala ang pangyayaring ito bilang Nagsabado sa Pasig?

Nagkaroon din naman ng pag-aalsa sa Pateros noon ding gabi ng ika-29 ng Agosto, 1896. Ngunit hindi ito tinatawag na “Nagsabado sa Pateros”. Bakit patungkol lamang sa Pasig ang tinatawag nating Nagsabado? Nagkaroon din ng labanan sa pagitan ng mga Katipunero at ng mga sundalong Espanyol sa San Juan del Monte noong ika-30 ng Agosto, 1896 ngunit tinatawag natin ito bilang Pinaglabanan at hindi “Nagdominggo”. Iilang okasyon lamang sa ating kalendaryo ang nilalakipan natin ng katawagan sa partikular na araw ng linggo at lahat ng ito ay may kinalalaman sa banal na araw, tulad ng Huwebes Santo, Biyernes Santo, Sabado de Gloria, at Linggo ng Pagkabuhay. Ibig bang sabihin nito ay itinuturing ng ating mga ninuno ang Nagsabado bilang isang pangyayari na may bahid din ng kabanalan? Maitutulad ba ito sa isang pangyayari kung saan dumanas ang taumbayan ng matinding pagsubok at pasakit ngunit patungo naman sa inaasam-asam na muling pagkabuhay ng ating Kalayaan? Ito, sa aking palagay, ang simbolikong kahulugan ng Nagsabado.

Magmuni-muni naman tayo sa kalagayan natin sa kasalukuyan. Kaliwa’t kanan na naman ang nagaganap na pahirap sa ating taumbayan. Nariyan ang pananakop ng Tsina sa ating mga isla. Nariyan ang pagbusal sa malayang pamamahayag. Nariyan ang pagdakip at pagpaslang sa mga taong napapagbintangan lamang. Nariyan din ang matinding kahirapan, kagutuman, at kapabayaan mula sa mga may-kapangyarihan. Tayo ba ngayon ay naninirahan sa isang Araw ng Biyernes dahil sa dinaranas nating pagsubok at pasakit? Kinakailangan na ba nating Magsabado, hindi lang bilang mga Pasigueño kundi bilang sambayanang Pilipino? Isang bagay ito na sumagi sa aking isipin at sana’y ating mapagnilay-nilayan ang mga kasagutan.

216 views0 comments

Recent Posts

See All